Friday, March 7, 2008

Pahayag ng Paninindigan sa Ika-13 Anibersaryo ng Philippine Mining Act of 1995

SAVE RAPU-RAPU ALLIANCE


Labintatlong taon na mula nang ipasa ng Kongreso ang Philippine Mining Act of 1995. Ano na ngayon ang kalagayan ng ating mga bundok, ilog, gubat at dagat? Tanging kapinsalaan sa kapaligiran at pagkawasak ng hanapbuhay ng mga mamamayang umaasa sa pagtatanim at pangingisda ang naidulot nito.

Dito na lamang sa Rapu-Rapu limang fishkill na ang naganap subalit walang hakbang na ginawa ang DENR upang panagutin ang kumpanyang Lafayette. Hanggang sa ngayon hindi pa naglalaan ang Lafayette ng P5 milyon na ayon sa Phlippine Mining Act of 1995 ay kailangang ideposito bilang Mine Rehabilitation Fund sa loob ng isang taon matapos isumite ang work program. Bankrupt na ang Lafayette at nakikipagtawaran sa Korean Resources, Inc. (Kores) para ibenta ang minahan subalit ayon na rin kay DENR Regional Director Reynulfo A. Juan hinihintay pa nila na maglaan ng pera a kumpanya para sa pagsasaayos ng mga napinsala sa kapaligiran ng Rapu-Rapu. Walang kakayahan ang DENR upang ipagtanggol ang kapakanan ng mga Pilipino. Sa halip na pangalagaan ang kapaligiran, naging ”tutor” pa ito ng Lafayette sa panahon ng ”test run” mula Hulyo 7 hanggang Disyembre 7, 2006. Sabi ni Angelo Reyes, “You fail it, I close it!” Sanlaksa ang mga kamalian ng Lafayette sa panahong iyon subalit sa halip na ipasara ay binigyan pa ito ng panibagong pahintulot.

Labintatlong taon ang lumipas at nakitang malaking kabiguan ang Philippine Mining Act of 1995. Sa halip na mangyari ang “responsible mining” at “sustainable development”, malayang pandarambong ang naisagawa ng mga dayuhan. Milyun-milyon ang natanggap na sahod ng mga executive ng Lafayette habang nagutom ang mga mamamayang naninirahan sa Rapu-Rapu. Ang grupo ni Carlos Dominguez ay tumanggap ng US$ 2,162,132. Matapos ang fishkill noong Oktubre 26-29, 2007 bumagsak ang pangingisda sa isla at nangailangang maglunsad ng food aid. May mga nagkasakit at namatay sanhi ng lason na kumapit sa mga isdang nakain. Ang duming mina ay habang panahon nang mananatili sa kapaligiran ng isla at anumang oras ay magdudulot ng higit pang kapahamakan sa mga mamamayan.

Maging sa ibang mga lugar ay suliranin ang dinulot ng mining act. Sa Palanog, Camalig, Albay lalong lumalawak ang nagigibang mga bundok dahil sa operasyon ng Goodfound Cement Factory. Sa Camarines Norte, inutil ang mining act upang pigilan ang mga nagmimina sa pagdumi sa mga ilog, gubat at bundok. Sa Masbate, naroon ang Filminera at Atlas na patuloy sa kanilang pagwasak sa isa pang isla. Ang Camarines Norte at Masbate hanggang sa ngayon ay nasa talaan ng 10 pinakamahihirap na probinsya sa buong bansa at ang Rapu-Rapu ay 4th class pa ring bayan lumipas man ang 70 taon ng pagmimina.

Walang naidulot na pag-unlad sa ekonomiya ng Pilipinas ang mining act. Si Gloria Macapagal Arroyo ang pangunahing may-akda ng batas na ito nang siya ay senador pa lamang. Kaya siya man ay dapat managot sa mga kapalpakan na nag-uugat sa Philippine Mining Act of 1995.

Ang pamahalaang Arroyo ay patung-patong na ang nagagawang pagwasak sa ating kapaligiran. Isa ring halimbawa ng pagpayag nito na gawing dumpsite ang Pilipinas ng mga basura ng bansang Hapon sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA). Isa itong pagtaksil sa sinumpaang tungkulin na pangalagaan ang kapakanan ng bayan.

Sa muli, aming iginigiit ang pagsasara sa minahan ng Lafayette sa Rapu-Rapu. Ang pagbenta nito sa Kores ay isang panlilinlang dahil ang naturang pagbebentahan ay dati namang isa sa mga namumuhunan sa minahan. Katunayan, pag-aari na nito ang 10.4% ng proyekto habang hawak naman ng LG International Corporation ang 15.6%. Lafayette Mining Limited ng Australia ang may-ari ng 74%. Ang pagbenta sa minahan ay katulad ng pagbenta ng Pilipinas na ginawa ng Espanya at Amerika sa halagang $20 milyon noong 1898. Dapat managot ang Lafayette sa mga pinsalang dinulot nito at hindi kami titigil sa paghabol dito. Hindi makatarungan na matapos kumita nang malaki ang Lafayette, sila ay magkukunwaring nalugi at iiwanan na lamang ang kanyang mga pananagutan.

Panagutin ang Lafayette sa kanilang mga kasalanan sa kapaligiran at sa bayan!

Ibasura ang mga tratado na nagpapahamak sa bansa tulad ng JPEPA!

Isara ang minahan sa Rapu-Rapu!

Ibasura ang Philippine Mining Act of 1995! Panagutin si Gloria Macapagal Arroyo! Panahon na upang siya ay magbitiw bilang Pangulo!


Marso 3, 2008


No comments:

Post a Comment